Umabot sa P7,010,000.00 ang naibigay na pasahod ng Department of Labor and Employment (DOLE) 12 para sa 1,042 benepisyaryo ng DOLE-Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged (TUPAD) workers program mula sa mga bayan ng Tulunan, Kabacan, Carmen, at Banisilan sa probinsiya ng Cotabato noong Agosto 2-6, 2021.

Ang nasabing pagbibigay ng ayuda na pinangunahan ni Regional Director Raymundo Agravante, Assistant RD Arlene Bisnon, at ni Chief Marjorie Latoja ng DOLE-North Cotabato Field Office, ay naisakatuparan sa pamamagitan ng convergence programs ng DOLE 12, Opisina ng Ikatlong Distrito ng Cotabato sa pamumuno ni Kongresman Jose Tejada, at mga lokal at barangay na pamahalaan ng nasabing bayan.

Samantala, namigay naman ang Opisina ni Senador Christopher “Bong” Go ng personal protective equipment (face masks at shields), bitamina, at tulong pinansyal na nagkakahalahaga ng P3,000.00. May mga maswerte ring nanalo sa pa raffle at nag-uwi ng bagong bisekleta, computer tablet, at rubber shoes.

Sa karagdagang balita, tinanggap din ng DOLE-Accredited Co-Partner Lokal na Pamahalaang Barangay ng La Esperanza, Tulunan, Cotabato ang Kabuhayan cheque na nagkakahalaga ng P997,000.00 para sa 57 benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program.

“Pinapaabot ng aming masigasig na Kalihim Silvestre “Bebot” Bello ang pasasalamat sa mga pamahalaang Lokal ng Cotabato at Opisina ng Ikatlong Distrito ng Cotabato bilang partners ng DOLE sa patuloy na pagtulong sa manggagawa ng impormal na sektor ng probinsya,” pahayag ni RD Agravante.

Dagdag pa ni RD Agravante na hangad ni Kalihim Bello na maibsan ang hirap na dulot ng pandemya at maging daan ang DOLE-TUPAD at Kabuhayan projects sa panimulang negosyo na magdadala ng dagdag kita para sa pamilya. End/CDGamboa